TUNGO SA MAPAGPALAYANG BUKAS
Mark Albert C. Martinez
Guest Speaker, Malacampa Elementary School 50th Commencement Exercises
April 1, 2009
Salamat! Lubos akong nagpapasalamat dahil hindi lamang ako binigyan ngayon ng Malacampa Elementary School ng karangalan, kundi lalo’t higit binigyan niyo rin ako ng pagkakataong mabalikan ng malaya ang mga alaala ng aking kabataan. Sampung taon na pala ang lumilipas simula nang magtapos ako sa paaralang ito. Natutuwa ang puso kong makita ang aking sarili noon sa inyo ngayon. Naaalala ko pa rin ang saya at lungkot na aking naramdaman nang kantahin naming sabay-sabay ng aking mga kaklase ang aming graduation song. Yon na ang naging hudyat ng aming paghiwa-hiwalay ng landas.
Malaking responsibilidad ang naiatang sa akin ngayon bilang inyong Panauhing Pandangal. Ninais kong alalahanin ang mensahe noon ng aming Guest Speaker upang magkaroon ako ng ideya kung ano nga ba ang aking sasabihin; sinubukan kong magnilay-nilay sa kanyang mga sinabi sa amin pero wala na akong maalala ni isang salita. Ayokong mangyaring isang araw ay di niyo na maalala ang aking mga sasabihin kaya gagawin ko ang lahat ng aking makakaya upang makapagbigay ako ng inspirasyon sa inyong lahat, nang sa gayon ay tumanim sa inyong mga isipan ang mga aral na nais kong maibahagi sa inyong Pagtatapos.
Ang responsibilidad ko sa inyo sa araw na ito ay hindi naiiba sa responsibilidad ng isang magulang. Isang magulang na walang ibang hinangad kundi ang mabuting kapakanan ng kanyang anak. Narito ako ngayon bilang inyong kuya, at bilang isang nakatatandang kapatid, nais kong magbigay ng ilang paalala upang inyong maging gabay sa pagtahak sa isang magandang bukas. Hinahangad kong sa dulo ng aking talumpati ay makapagdulot ako ng inspirasyon sa inyong lahat.
Habang ginagawa ko ang aking talumpati, tinanong ko ang aking sarili kung ano nga ba ang mga bagay na sana’y narinig ko noong ako ang nagtapos sa paaralang ito? Hayaan niyo na lang na maibahagi ko sa inyo ang aking mga karanasan at kung anu-ano ang mga natutunan ko mula sa mga ito.
Sa tuwing naaalala ko ang aking sarili, sampung taon na ang nakakalipas, naaalala ko ang isang batang punung-puno ng mga pangarap at pag-asa. Gusto kong maging doktor, guro, abogado, at piloto. Ang dami kong gustong maging! Pero nanganganib ako noon na makatungtong man lamang ng hayskul dahil sa hirap ng buhay. Ngunit hindi ako pumayag na mangyari yon. At dahil determinado akong makapag-aral, ginabayan ako ng aking ama’t ina upang makuha ang Scholarship Program na iginagawad ng ating Munisipyo sa mga mga karapat-dapat na aplikante. Mapalad akong napabilang dito. Ginawa ko ang lahat ng aking makakaya upang mapatunayan na ako nga’y karapat-dapat, hanggang sa matapos ko ang hayskul. Maraming pagsubok ang aking pinagdaanan para lang makatapos. Nariyang nagbababad ako sa library noon dahil wala akong sariling libro, matiyagang nakikinig sa lecture at matiyagang nagsusulat ng mga keywords sa notebook para maipasa ang mga quiz at exam, naglalakad imbes na sumakay para makatipid, at marami pang iba. Mahirap ang maging mahirap: nakakatakot, nakakabalisa, nakakabagabag! Kaya pinilit kong makatapos para hindi na maranasan ng magiging anak ko ang hirap na aking naranasan.
Pero alam niyo bang ang sitwasyon kong ito ang siyang nakapagpalakas sa akin upang harapin ang buhay? Natuto akong maging maparaan, magkaroon ng matibay na loob, at magtaglay ng malakas na paniniwala sa sariling kakayahan. Ito ang mga prinsipyong aking naging sanggalang upang labanan ang mga hamon ng aking kabataan.
Naaalala ko pa ang mga aral na aking natutunan sa aking mga guro noon. Pilit nilang pinaaalala sa amin na “mag-aral kayong mabuti!” Hindi ko noon maintindihan kung bakit paulit-ulit na lang silang parang mga sirang plaka at di nagsasawang ipaalala sa amin ito, hanggang sa dumating ang araw na kailangan ko ng harapin ang mga totoong hamon ng buhay sa labas ng akademya. Mahalaga palang talaga na may natapos ka sa pag-aaral. Lalo na ngayon at pahigpit na nang pahigpit ang kompetisyon sa pagkuha ng isang magandang trabaho. Kailangang hindi ka lang basta may diploma, dapat may katangian ka ring angat sa iba para masiguro mo ang isang magandang puwesto. Paano mo nga ba ito magagawa? Magsumikap ka ngayon pa lang!
Ang pinakamalaking bagay na aking natutunan sa buhay ay hindi tayo habambuhay na magiging bata. Ang paglalaro sa pag-aaral ay walang maidudulot na mabuti. Pagbutihan niyong mag-aral para makakuha ng matataas na marka. Huwag kayong magpapabaya dahil pagdating ng araw ay magiging advantage niyo rin ito sa pag-secure ng magandang bukas. Ang pagiging masigasig ay napakagandang katangian. Subalit napakalaking bagay ang maiaambag ng inyong grado sa pagtukoy kung anong section kayo maa-assign sa hayskul, kung saan kayo puwedeng mag-aral sa kolehiyo, kung anong posisyon sa trabaho kayo puwedeng ilagay, at marami pang iba.
Ang inyong pagtatapos sa paaralang ito ay patunay lamang na handa na kayo upang harapin ang mga hamon sa susunod na lebel ng edukasyon sa mataas na paaralan. Sa pagtungtong ninyo sa entabladong ito upang tanggapin ang katibayan ng inyong pagtatapos, nawa’y hindi rin dito magtapos at iwanan ang mga aral ng buhay na inyong natutunan mula sa inyong mga guro, mga magulang, mga kaibigan, at maging ng inyong mga nakaaway. Ang mga aral ng buhay ay lalong mahalaga kumpara sa mga medalya, tropeo, sertipiko, maging ng diploma. Nawa’y magsilbing inspirasyon ang kanilang mga kwento upang isulong ang inyong kaalaman at pagyamanin pa lalo ang inyong kakayahan at disiplina tungo sa pinakamaunlad at pinakamatuwid na kinabukasang kayang marating ng inyong mga pangarap. Lubos akong naniniwala na ang lahat ng magsisipagtapos sa araw na ito ay masisipag at matatalino. Binabati ko kayong lahat at umaasa akong gagamitin ninyo sa mabuti ang inyong talino at lakas upang maisulong nang mabuti ang bayan nating kasalukuyang naghihirap.
Ang pinakamataas kong pangarap, hindi lamang sa inyo kundi sa bawat kabataang Pilipino, ay ang makapagtapos kayong lahat ng pag-aaral sa kolehiyo at makasumpong ng marangal na hanap-buhay, upang magtulung-tulong tayong maiangat ang bayan nating lugmok na sa iba’t-ibang uri ng kahirapan. Maraming suliranin ang kinakaharap ngayon ng ating bansa. Nariyan ang korapsiyon, kawalan ng trabaho, droga, mababang kalidad ng edukasyon, pagkupas ng sariling kultura, pagbagsak ng piso, ang hindi mapigilang pagtaas ng mga pangunahing bilihin. Ilan lamang ang yan sa mga lumalalang problema sa ating lipunan. Ano ang epekto sa atin ng mga ito pag di tayo nagsumikap? KRISIS, GUTOM, KAMATAYAN.
Maaaring hindi niyo pa naiintindihan ang salitang “krisis” at “pulitika” ngayon pero makikita niyo yan sa pagtaas ng pamasahe sa mga jeep at bus, pagtaas ng presyo ng lugaw at soft drinks, at ultimo ng kendi sa canteen. Alam niyo ba nung ako ang bata, tatlong piso lang ang pamasahe mula Crossing Mayantoc hanggang bayan! Ngayon nag times 3 na! Ganyan ang krisis. Nagdadala ng lalo pang hirap sa mahirap nang buhay.
Kung magawi kayo sa Maynila, malalaman ninyo, sa may Balintawak pa lang, kung gaano na kadami ang mga out-of-school youth na lulong sa rugby (kundi man shabu o marijuana), mga batang Badjao na hawak ng mga sindikato at namamalimos sa kalsada imbes na nasa eskwela, at marami pang iba. Sa Public Market ng Baguio maraming mga “supot boys and girls” don; mga batang nagbebenta ng mga plastic bags, imbes na papel at ballpen ang hawak, para raw makatulong kina nanay at tatay. Nang minsang dumalaw ako sa Cebu, “barker” naman ng mga jeep (nagtatawag ng mga pasahero) sa harap ng SM ang mga bata.
Gusto niyo bang maging tulad nila?
Nawa’y hindi na kayo dumagdag pa sa sakit ng ating lipunan. Mapapalad kayong lahat dahil mayroon pa kayong mga magulang na handang magsakripisyo para sa inyong paga-aral! Pangarap kong kayong lahat na naririto ngayon ay magsilbing magagandang halimbawa sa inyong kapwa. Nawa’y maging matatag kayo sa sagupaan ng mga ideyolohiyang ang tanging layon ay maisulong ang mga makasariling interes. Nananalig ako sa inyong kakayahang maisalba ang buhay ng naghihingalong Juan dela Cruz. Simulan natin sa ating mga sarili!
Naniniwala ako na tayong lahat ay mga natatanging anak ng bayan. Lahat tayo ay may kakayahang makapagbigay ng karangalan sa ating bansa. Lahat tayo ay may potensiyal na maging magandang ehemplo upang pamarisan ng mga diwang naliligaw ng landas. Huwag kayong panghinaan ng loob kung hindi kayo kasama sa Top 10. Sinasabi ko na sa inyong hindi lang diyan nasusukat ang tagumpay ng isang indibidwal. Nasa tibay ng loob yan upang harapin ang mga pagsubok ng buhay! Lahat kayo ay matatalino at natatangi. Lahat kayo ay may kakayahang baguhin ang nalilihis nang kapalaran ng ating bayang minamahal. Hindi ko kayo pinagtutulakan na maging ideyalista, subalit nais ko kayong maging matatapang at magigiting na mga heneral at kapitan ng inyong sariling buhay upang ipaglaban ang mga bagay na pinaniniwalaan ninyong tama, makatotohanan, at makatarungang pabor sa mas nakararaming mamamayan. Sa pamamagitan nito, mapapatunayan ninyong kayo nga’y tunay na katangi-tangi na nagmula sa hanay ng mga tunay na bayaning Pilipino.
Sa inyong pagtungtong sa hayskul, hangarin naming lahat na nagmamahal sa inyo na sana’y gawin ninyong lahat ang inyong makakaya upang makapag-aral ng mabuti, alang-alang na rin sa inyong sarili at sa bayang patuloy na umaasa sa inyong mga kamay. Huwag kayong magsasayang ng oras sa mga bagay na walang kabuluhan. Maikli lamang ang buhay, huwag kayong maging kampante; iwasan ninyong magbulakbol nang hindi kayo mauwi sa “iskul-bukol.” Isipin sana ninyo ang mga hirap na dinanas, dinaranas, at daranasin pa ng inyong mga magulang upang maisulong lamang ang inyong kaalaman. May mga magulang diyan na titiisin na lamang ang nadaramang gutom para may maipabaon lamang sa kanilang mga anak papuntang eskwela. At sa mga maykaya naman sa buhay, isipin din ninyo na walang katiyakan ang lahat ng bagay sa mundong ito. Hindi sa lahat ng panahon ay nariyan ang karangyaan upang magpabaya sa kasalukuyan. Mag-aral kayong mabuti, mga Ading! Lagi ninyong iisipin na tanging ang edukasyon ang kayamanang hindi mananakaw sa inyo ninuman. Ito rin ang pinakamabuti ninyong magagawa para masiguro ang magandang kinabukasan ng ating bayan.
At sa lahat ng naririto ngayon sa bulwagang ito, lalo na sa mga pinag-aalayan natin ng karangalan sa araw na ito—ang mga Magsisipagtapos, huwag nating hayaang lumipas na lamang ang mga oportunidad na makapagsilbi at makapagbigay ng karangalan sa ating bayang sinilangan.
Hindi ko sinasabing tularan ninyo ako, subalit hinahamon ko kayong higitan ang aking narating!
Tayo ay Malaya!
Maligayang Pagtatapos!
No comments:
Post a Comment